TAGAPULO ng Ireland, sa gilid ng Europa, ang mga magulang ni Josephine Bracken, ipinanganak nuong Agosto 9, 1876 sa Victory City sa Hongkong kina Elizabeth MacBride at James Brown, isang sundalo sa sandatahan ng Britain. Naulila at inampon siya ng isang nagngangalang Ginoong Bracken nuong bata pa. Katulong siya ng isa pang nag-ampon, ang 63-anyos at nabubulag na makinista mula New York, si George Edward Taufer, kasama ang 40-anyos na Francesca Spencer nang dumating sa Maynila nuong ika-5 ng Pebrero 1895. Kapwa may cataract ang mga mata ni Taufer at, sa payo ni Julio Llrenete, Pilipinong nakatira sa Hongkong, nagpagamot siya kay Rizal.

Hindi naglipat buwan, unang nakita ni Rizal si Josephine, ang 19 taon gulang na dayuhang giliw [dulce estrangera, sweet foreigner], nang dumating ang 3 taga-Hongkong sa Dapitan. Bago nito, papetek-petek ang buhay ni Rizal mula nang dumating nuong Julio 17, 1892, - nagtayo ng bahay malapit sa dagat, pinaligiran ng mga namumungang punong-kahoy, nagtayo ng sariling ospital para sa kanyang panggagamot at paaralan para sa mga tinuturuang bata, pinaganda ang plaza ng kabayanan, nagtatag ng tubigan pang-bayan. Nagsulat, nagkuru-kuro at nakipagtalo sa sulat at sa dumalaw na mga ilustrado at mga pamangking Estanislao, Mauricio, Prudencio at Teodosio at mga kapatid na Trinidad at Maria.

Nuong buwan ding iyon, Febrero 1895, sinilaban ni Jose Marti ang himagsikan sa Cuba, sa kabila ng daigdig, isa sa 2 na lamang na nalalabing lupaing sakop ng Espanya [Spanish colonies] sa America.

Sinamahang pabalik sa Hongkong ni Josephine ang matandang Taufer nuong Marso 14, 1895, ngunit madaling nagbalik sa Dapitan, kasama naman ang ate ni Rizal, si Narcisa Rizal-Lopez, at ikinasal sila, sa munisipyo sapagkat ayaw ng mga frayleng Jesuit sa simbahan hangga't hindi binabawi ni Rizal ang mga sinulat laban sa Espanyol. Patay nang ipanganak ang kanilang anak, pinangalanang Francisco ni Narcisa bilang parangal sa kanilang ama.

Noong araw ng kanilang kasal, ipinagbigay alam kay Josephine ng isang utusan na pumunta sa piitan ni Rizal kung saan ang huli ay sinasabing naghihintay sa kanya para sa kanilang kasal. Noong panahong iyon, sinasabing naninirahan ng mag-isa ang dalaga at hindi na sa bahay ng mga Rizal. Ayon sa kwento mismo ni Josephine, ikinasal siya sa kanyang iniirog sa matahimik at taimtim na pamamaraan. Wala ding nabanggit na paghahanda ukol sa kasal ayon kay Padre Balaguer, ang paring nakatakdang mangumpisal kay Josephine.

Ipinagtapat din ni Josephine na noong nasa Dapitan pa lamang sila ay nais na siyang pakasalan ni Rizal, ngunit dahil sa hindi pagkakaintindihan sa simbahan ay hindi ito naisakatuparan. Magkaganoon pa man, sa isa sa mga sulat ni Rizal sa ina na si Dona Teodora na iniabot mismo ni Josephine habang nagbabaksyon sa mga Rizal, humingi ng permiso si Rizal pakasalan ang dalaga.

Inilahad din ni Josephine ang isang umanong regalo ni Rizal sa kanya sa kanilang kasal. Ang naturang handog ay isang aklat ni Kempis na nagtataglay ng mga sumusunod na kataga: “ To my dear and unhappy wife, Josephine, 30th December 1896…” Binigyang-diin din nito na ang huling hiling sa kanya ng bayani ay ayusin ang bangkay at libingan nito na siya ring inihabilin ni Rizal sa kanyang kapatid na si Trining. Sinabi rin nito na may iniwan na liham sa kanya si Rizal na matatagpuan sa piitan nito sa loob ng lampara at sa sapatos ng huli. Ang naturang liham ay ang Mi Ultimo Adios na ayon kay Josephine ay ang huling habilin at mensahe sa kanya ng kanyang kabiyak.

"Mi Ultimo Adios"
PAHIMAKAS ni Dr. Jose Rizal
Pinipintuho kong Bayan ay paalam,
Lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan,
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.
Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging maringal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay aking ding handog.
Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ng iba'y ang buhay na kipkip,
walang agam-agam, maluag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahapis.
Saan man mautas ay dikailangan,
cipres o laurel, lirio ma'y patungan
pakikipaghamok, at ang bibitayan,
yaon ay gayon din kung hiling ng Bayan.
Ako'y mamamatay, ngayong namamalas
na sa silinganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ng luksang nagtabing na ulap.
Ang kulay na pula kung kinakailangan
na maitina sa iyong liway-way,
dugo ko'y isabong at siyang ikinang
ng kislap ng iyong maningning na ilaw
Ang aking adhika sapul magkaisip
ng kasalukuyang bata pang maliit,
ay ang tanghaling ka at minsan masilip
sa dagat Silangan hiyas na marikit.
Natuyo ang luhang sa mata'y nunukal,
taas na ang noo't walang kapootan,
walang bakas kunot ng kapighatian
gabahid man dungis niyong kahihiyan.
Sa kabuhayang ko ang laging gunita
maningas na aking ninanasa-nasa
ay guminhawa ka ang hiyas ng diwa
hingang papanaw ngayong biglang-bigla.
pag hingang papanaw ngayong biglang-bigla.
Ikaw'y guminhawa laking kagandahang
akoy malugmok, at ikaw ay matanghal,
hiniga'y malagot, mabuhay ka lamang
bangkay ko'y masilong sa iyong Kalangitan.
Kung sa libingan ko'y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mga labi mo'y mangyayaring itapat,
sa kaluluwa ko hatik ay igawad.
At sa aking noo nawa'y iparamdam,
sa lamig ng lupa ng aking libingan,
ang init ng iyong paghingang dalisay
at simoy ng iyong paggiliw na tunay.
Bayaang ang buwan sa aki'y ititig
ang iwanag niyang lamlam at tahimik,
liwayway bayaang sa aki'y ihatid
magalaw na sinag at hanging hagibis.
Kung sakasakaling bumabang humantong
sa krus ko'y dumapo kahit isang ibon
doon ay bayaan humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.
Bayaan ang ningas ng sikat ng araw
ula'y pasingawin noong kainitan,
magbalik sa langit ng boong dalisay
kalakip ng aking pagdaing na hiyaw.
Bayaang sino man sa katotang giliw
tangisang maagang sa buhay pagkitil;
kung tungkol sa akin ay may manalangin
idalangin, Bayan, yaring pagka himbing.
Idalanging lahat yaong nangamatay,
mangagatiis hirap na walang kapantay;
mga ina naming walang kapalaran
na inihihibik ay kapighatian.
Ang mga bao't pinapangulila,
ang mga bilanggong nagsisipagdusa;
dalanginin namang kanilang makita
ang kalayaan mong, ikagiginhawa.
At kung an madilim na gabing mapanglaw
ay lumaganap na doon sa libinga't
tanging mga patay ang nangaglalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.
Ang kanyang hiwagay huwag gambalain;
kaipala'y maringig doon ang taginting,
tunog ng gitara't salterio'y mag saliw,
ako, Bayan yao't kita'y aawitin.
Kung ang libingan ko'y limat na ng lahat
at wala ng kurus at batang mabakas,
bayaang linangin ng taong masipag,
lupa'y asarolin at kauyang ikalat.
At mga buto ko ay bago matunaw
maowi sa wala at kusang maparam,
alabok ng iyong latag ay bayaang
siya ang babalang doo'y makipisan.
Kung magka gayon na'y aalintanahin
na ako sa limot iyong ihabilin
pagka't himpapawid at ang panganorin
mga lansangan mo'y aking lilibutin.
Matining na tunog ako sa dingig mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabango,
ang ugong at awit, pag hibik sa iyo,
pag asang dalisay ng pananalig ko.
Bayang iniirog, sakit niyaring hirap,
Katagalugang ko pinakaliliyag,
dinggin mo ang aking pagpapahimakas;
diya'y iiwan ko sa iyo ang lahat.
Ako'y patutungo sa walang busabos,
walang umiinis at berdugong hayop;
pananalig doo'y di nakasasalot,
si Bathala lamang dooy haring lubos.
Paalam, magulang at mga kapatid
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib
mga kaibigan bata pang maliit
sa aking tahanan di na masisilip.
Pag pasasalamat at napahinga rin,
paalam estranherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo, mga ginigiliw;
mamatay ay siyang pagkakagupiling!
-Sa salin ni Andres Bonifacio-



Matapos ang pagbitay kay Rizal, napilitan ding tumakas mula Cavite sina Josephine Bracken at magkapatid na Trinidad at Paciano Rizal, tumawid ng bunduking Maragondon papuntang Laguna de Bay gayung duguan na ang mga paa ng nakayapak na Josephine. Tinulungan silang makapuslit sa Manila ni Venancio Cueto, isang pinuno ng Katipunan, at naisakay si Josephine sa isang barko papuntang Hongkong. Duon namalagi ang biyuda ni Rizal hanggang Deciembre 15, 1898, nang napangasawa niya ang isang Pilipinong nagkakalakal, si Vicente Abad. Bumalik ang mag-asawa sa Manila, kasama ang anak nila, si Dolores. Nagturo ng English si Josephine, at isa sa mga naturuan niya ang binatang taga-Cebu, si Sergio Osmena, bayani ng Pilipinas nuong panahon ng Amerikano. Tahimik na yumao si Josephine, ang dayuhang giliw ni Rizal, nuong Marso 15, 1902, ng tuberculosis sa lalamunan. Nalibing siya sa Happy Valley cemetery sa Hongkong. Lumaki at nakapag-asawa si Dolores at nag-iwan ng mga anak na apelyido ay Mina. Gaya ng ama, si Vicente Abad, ipinilit niya hanggang sa kahuli-hulihan, na anak siya ni Abad, hindi ni Rizal.

Nuong Junio 1896, pinapunta ni Bonifacio sa Dapitan ang isang manggagamot, si Pio Valenzuela, dati niyang kasama sa trabaho, upang anyayahan si Rizal, itatakas at itatago ng Katipunan, ngunit tinanggihan ni Rizal hindi lamang ang mungkahi kundi pati na ang himagsikan mismo:

'Mula pa nuong unang marinig ko ang tinatangkang himagsikan, kinalaban ko na. Higit pa rito, nang marining kung nagtipon na ang mga maghihimagsik, inalay ko ang dangal, mating buhay ko, upang sugpuin ang himagsikan dahil tiwala akong masama ang ibubunga nito. Nailahad ko, at inuulit ko, na ang pagbubuti ng bayan ay kailangang manggaling sa itaas, ang nagmumula sa ibaba ay pambihira at walang katiyakan. Dahil sa paniwala kong ito, wala akong magagawa kundi isumpa ang himagsikan - kahangalan, kahayupan at binunyi nang hindi ko namamalayan - nakakasirang-puri sa ating mga Pilipino at pinapawalang-saysay ang mga nananawagan para sa ating ikabubuti. Muhi ako sa pusakal na paraan, at itinatatwa ko anumang kinalaman dito, awang-awa ako sa mga nalansi at sumapi.'

[Hango sa The Hero of the Filipinos nina Charles Edward Russell at EB Rodriguez, 1923]





Magbalik sa Rizal Romantiko